Mga Special Kids may Summer Pedya Kamp

LAOAG CITY (April 26) – Isang Pedya Kamp sa Gabaldon Elementary School sa Laoag City ang inumpisahan sa araw na ito upang magpasaya at linangin ang mga batang may kapansanan.

“Layunin ng Pedya Kamp na turuan ang mga special children na maging independent at linangin ang kanilang mga cognitive, social, motor skills at iba pang mga talento sa iba’t-ibang mga masasayang aktibidad sa summer camp,” sabi ni Kuya Bobot, isa sa mga pioneers ng Pedya Kamp. “Nais din naming mapasaya ang mga bata at maparamdam sa kanila ang pagmamahal ng pamilya at ibang tao.’

Kabilang sa mga masasayang aktibidad sa Pedya Kamp ay bayanihan, city at provincial tour, mask-making, maskarada, palarong pambata, pista sa nayon, sagalahan, pedyalimpics, cheerlympics, Operatang Musmos , Diskuhan, nature hike at swmming, kantahan, storytelling at kite-flying, finger painting, picture fram-making at paglilinis.

Ang Pedya Kamp ay proyekto ng God’s Special Children, Inc. para sa ‘mentally challenged, physically-handicapped, children with autism, orphans, abandoned and street children.’

Nagmula ang mga special children sa iba’t-ibang bahay-ampunan, children centers at iba pang tahanan para sa mga special children sa Metro Manila. Humigit kumulang na 160 na special children ang darating, bukod pa sa halos kasing dami din ng volunteers na titingin sa mga bata.

Mayroon din 80 mga special children at 20 volunteers na magmumula sa Ilocos Norte at Ilocos Sur na lalahok sa nasabing summer camp.

Binibigyan suporta ang nasabing proyekto ng pamahalaan ng Ilocos Norte at Laoag City, kasama ang Department of Social Welfare and Development.

Sa isang panayam sa Philippine Information Agency-Laoag Infocen, sinabi ni ‘Kuya Bobot,’ na 21 na taon na mula ng sinimulan nila ang summer camp na ito na nagpaikot-ikot na sa buong Pilipinas at nakapunta na din minsan sa ibang bansa.

Inaanyayahan ni Kuya Bobot ang lahat na makisaya kasama ang mga special children sa lahat ng mga aktibidades na ito. Maaari din tumulong sa pamamagitan ng pagbibigay ng pagkain o kahit anong regalo sa mga bata. Maaari din manood at mag-cheer sa mga palaro dahil, aniya, gustong-gusto ito ng mga bata.

“At sa Mayo 1, maaari kayong mag-sponsor bilang foster parent o foster family ng isa o higit pa na special child. Mula umaga hanggang hapon ay maaari ninyong ipasyal ang bata at iparamdam sa kanya kung papaano magkaroon ng isang pamilya,” sabi ni Kuya Bobot. (JCR/CPC-PIA 1 Ilocos Norte)