Mga reklamo vs. trike drivers

BATAC CITY, Nobyembre 12 — Determinadong ipatupad ng Batac City Government sa lalawigan ng Ilocos Norte ang traffic code sa lungsod.

Ito ay matapos makatanggap ang Sangguniang Panlungsod, partikular na ang Committee on Transportation, ng mga sulat na naglalaman ng mga reklamo laban sa mga tricycle drivers.

Sinabi ni Vice Mayor Ronald Allan Nalupta na karamihan sa mga reklamo ay mula sa mga mag-aaral mula sa iba’t-ibang bayan na kadalasan ay sumasakay sa mga tricycle sa pagpasok sa paaralan. Nasa Batac City ang pinakamalaking unibersidad sa lalawigan, ang Mariano Marcos State University.

Ang mga reklamo, ayon kay Nalupta, ay ang hindi pagpapasakay ng mga tricycle drivers, hindi pagbibigay ng 20 porsyento diskwento at ang hindi naayon na damit sa pagpasada ng tricycle. Siyam na piso (P9) ang regular na pamasahe sa unang kilometro sa centro sa Batac.

Dahil dito, mahigpit ng ipapatupad ng lokal na pamahalaan ang batas.

Ang mga reklamo, aniya, ay tinutugunan ng Sangguniang Panlungsod (SP).
Nagpapadala ng ‘summonses’ ang komite sa mga partido upang pagusapan ang reklamo. Sakaling hindi sumipot ang mga inireklamong drayber ay agaran silang papatawan ng penalties.

Hindi na din, aniya, nagbibigay ng ‘1st, 2nd, 3rd offense scheme’ ang SP. Agaran na silang nagbibigay ng penalty sa mga lumalabag sa traffic code depende sa bigat ng kasalanan.

Sa kabilang banda, kinikilala ng lokal na pamahalaan ang mga matitinong mga tricycle drivers sa pamamagitan ng pagbibigay ng plaque of appreciation para sa kanilang maayos at tapat na paglilingkod sa publiko. (JCR/CPC-PIA 1 Ilocos Norte)