Blood donors pinarangalan

LAOAG CITY, July 29 — Binigyang parangal ng Laoag City Red Cross chapter ang mga regular blood donors sa “Blood Donors Month Celebration 2011”.

Ilan sa mga regular na nagbibigay ng dugo ay binubuo ng mga indibidwal at mga organisasyong pampubliko o pampribado, tulad ng Alpha Phi Omega (APO) Laoag City Ilocos Norte alumni chapter, DZVR Bombo Radyo, Ilocos Norte Water District (INWD), Laoag City Government, ABS-CBN, at marami pang iba.

Ang mga dugong nakukuha sa bawat donor ay iniimbak sa imbakan o blood bank ng opisina ng Red Cross at ipinagkakaloob sa mga nangangailangan para sa agarang pagsalba ng buhay.

Ang selebrasyong ito ng Red Cross ay ginawa bilang pasasalamat sa mga walang sawang tumutulong at nagbibigay ng kanilang dugo para sa mas lalong ikatitibay ng ahensya. Ilan sa mga iginawad na parangal ay Scroll of Honor, Merit medal (gold, silver at bronze), Diploma of Service and Merit, Blood galloners membership award at sertipiko sa pagkilala at pagtanggap.

Sa kasalukuyan, nakalikom na ang mga regular donors na ito ng mahigit-kumulang siyam (9) na galon ng dugo simula pa noong nagsimula sila bilang regular na blood donors.

May gaganapin ding Jingle Competition na dadaluhan ng mga mag-aaral sa sekundarya ng Laoag City na may temang “More Blood, More Life for a Healthy World”.

Pinagkaisahang isinakatuparan ng mga staff at volunteer staff ng Laoag City Red Cross chapter ang nasabing programa na ginanap sa Robinsons Mall-Ilocos Norte sa pangunguna ni Maria C. Ang, board chairman ng Red Cross Laoag City. (JCR/CJD-PIA 1 Ilocos Norte)