Open High School Binuksan ng DepEd sa Laoag City

LAOAG CITY, Ilocos Norte (7 September) – Edukasyon ang puhunan ng bawat tao at bansa para sa mas maunlad na kinabukasan. Subalit hindi lahat ay nakakapag-aral, o nakakapag-tapos ng pag-aaral. Base sa datos, kadalasan ay humihinto sa high school ang isang mag-aaral dahil sa kahirapan at pangangailangan na makapagtrabaho.

Sa lungsod ng Laoag sa Ilocos Norte, binuksan kamakailan ng Laoag City Schools Division ng Department of Education ang Open High School Program. Ang programa, ayon kay Schools Division superintendent Gng Araceli Pastor, ay bukas para sa mga nais magtapos ng high school subalit hindi makapasok sa paaralan dahil abala sa pagtatrabaho.

Ang programa, paliwanag ni Gng Pastor, ay gagamit ng modules na ibibigay sa mag-aaral at ito ay naglalaman ng iba’t-ibang antas ng kaalaman na naaayon sa kakayahan ng mag-aaral. Ang mag-aaral ay pupunta lamang sa paaralan depende sa napagkasunduan nila ng kanyang tagapangasiwa. Magiging magaan ito para sa mag-aaral na pagsabayin ang kanyang trabaho at pag-aaral.

Binigyan liwanag pa ni Gng Pastor na ang Open High School program ay kaiba sa Alternative Learning System, isang programa ng Department of Education para naman sa mga out-of-school youths. (Carlo P. Canares/PIA)