Libu-libong trabaho para sa kabataan

LAOAG CITY, March 31 (PIA) – Nasa kabuuang 1,382 ang nakalaang trabaho ang magbubukas sa summer mula sa Pamahalaang Probinsyal ng Ilocos Norte sa ilalim ng programang Special Program for the Employment of Students (SPES).

Kabalikat ang Kagawaran ng Paggawa at Empleyo o DOLE, ang Ilocos Norte ay nagsisimula ng tumanggap ng mga aplikante na sasalain sa pamamagitan ng Public Employment Service Office (PESO) nito.

Ang mga makukunang benepisyaryo ay madedeploy sa iba’t ibang munisipyo o siyudad na may parehong programang SPES sa loob ng 20-52 na araw na may karampatang P311 na sahod kada araw.

Ayon kay Grace Ursua, DOLE Director ng Rehiyon 1, mayroong P8.9 milyong pondo ang nakalaan para sa pasahod sa mga estudyante, P3.5 milyong dito ay sasagutin ng DOLE samantalang P5.3 million naman ay kukunin sa mga nakibahaging Local Government Units (LGUs).

Kabilang sa mga LGUs sa probinsiya na tatanggap ng mga manggagawa sa SPES ay ang Piddig, Carasi, Pasuquin, Vintar, Bacarra, Adams, Pagudpud, Sarrat, Bangui sa unang distrito at Pinili, Batac City, Badoc, Banna, Solsona, San Nicolas, Paoay and Currimao sa pangalawang distirito.

Isa rin ang Lungsod ng Laoag sa mga nangunguna at may pinakamaraming benepisyaryo sa nasabing programa na umabot sa 300 noong nakaraang taon.

Naglaan ang lokal na pamahalaan ng Laoag ng P1.1 milyon na pondo para sa mga manggagawang estudyante ngayong taon.

Ang SPES na programa ng gobyerno nasyunal ay mandato sa ilalim ng Republika Bilang 9547 kung saan isinasaad dito ang pagbibigay ng pagkakataon para kumita sa mga in-school at out-of-school youth bilang pantulong sa pagpapatuloy ng kanilang pag-aaral na gaganapin tuwing summer at Christmas vacation.

Ang Ilocos Norte ang isa sa may pinakamaraming SPES benepisyaryo sa Rehiyon 1.

Noong nakaraang taon, may kabuuang 900 ang natulungan ng programa, daan upang mabigyan ito ng parangal ng DOLE bilang pinakamahusay ng PESO sa buong rehiyon.

“I commend the whole government of Ilocos Norte and all participating employers for pursuing the goal of the SPES which is to inspire the youth to finish their education and become more work-ready by helping them acquire skills, values and experience,” ani Ursua sa Press Release nito mula sa DOLE.

Ang mga programang pang-empleyo ay isa sa mga layon ng pamahalaang probinsyal ng Ilocos Norte sa ilalim ng ‘Task Force Trbahao’ nito bilang sagot sa kawalan ng trabaho sa bansa. (Cherry Joy D. Garma/PIA-1, Ilocos Norte)