Laoag Farmers Fest

LAOAG CITY, Mayo 10 — Sariwa na, mas mura pa.

Ito ay mga gulay na itinitinda ng mga magsasaka sa ‘tiangge’ sa harap ng Laoag City Hall.

Sinabi ni City Agriculturist Oscar Recta, ang ‘tiangge’ ay isa sa mga aktibidad kaugnay sa isinasagawang Farmers Festival sa Laoag City. Ang mga sari-saring gulay at prutas ay mga tanim ng mga magsasaka mula sa 54 farming barangays ng lungsod.

“Mura at sariwa ang paninda dahil tanim ito mismo ng mga magsasaka mula sa barangay,” sabi ni Recta.

Hindi lamang mga gulay kundi pati din mga isda na nahuli ng mga mangingisda ang itinitinda sa ‘tiangge.’ Sa sobrang dami nga ng mga paninda ay dito na pumupunta ang mga empleyado mula sa mga opisina at maging yaong mga bumibisita sa City Hall. Makukumpleto nga naman nila ang mga sahog ng pakbet at iba pa nilang kakailanganin para sa kanilang pagkain.
Bukod sa ‘tiangge’ magkakaroon din ng ‘food parade’ at ‘awarding ceremony’ para sa mga Gawad Saka awardees ng lungsod.

“Bibigyan ng parangal ang mga magsasaka at mangingisda para sa kanilang mga natatanging kontribusyon sa agrikultura,” ayon kay Recta.

Si Mayor Michael Farinas ang panauhing pandangal sa awarding ceremony na magaganap sa Mayo 11.

Ang taunang Farmers Festival ay isinasagawa ng pamahalaan ng Laoag City sa pamamagitan ng City Agriculture Office. (JCR/CPC-PIA 1 Ilocos Norte)