MARCOS, ILOCOS NORTE (April 4)—-Sugatan sa pananambang ang bise alkalde kung saan namatay ang kanyang driver habang nakasakay sa suv alas siyete kagabi sa ilog na bahagi ng Brgy Daquioag, Marcos, Ilocos Norte.
Nakilala ang namatay na driver na si Lucky Jesrel Rumbaoa, 21-anyos residente ng Brgy Escoda at idineklarang dead on arrival sa ospital.
Sugat naman sa leeg, balikat at binti ang tinamo ni Vice Mayor Jessie Ermitanio.
Nagtamo rin ng sugat sa ibat-ibang bahagi ng katawan ang kanyang bodyguard na si Ricky Florendo, 32-anyos at Edralene Arellano, 26-anyos , empleyado ng munisipyo.
Ang dalawa ay itinakbo sa Mariano Marcos Memorial Hospital and Medical Center sa Batac City.
46 na basyo ng cal5.56 ang narekober ng soco sa sa pinangyarihan ng krimen.
Galing sa mga barangay ang grupo ng bise alkalde at habang tumatawid sa ilog bigla silang pinagbabaril ng dalawang suspek.
Nakatalon si Ermitanio at nakaganti ng putok hanggang sa mapaatras ang mga suspek.
Tadtad naman ng tama ng bala sa driver side kayat grabeng napuruhan ang kanyang driver.
Ayon sa bise alkalde, dati raw may banta sa buhay nitong nakaraang taon.
Humingi ng police escort sa pulisya pero walang natanggap na aksyon.
Hinala nitong pulitika ang motibo sa pamamaril.
Patuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya para matukoy ang mga suspek- (contributed by Dennis Gabriel Alipio)