Badoc’s Disabled Folks may P155,000 ayuda

LAOAG  CITY, May 18 – Hindi hadlang ang kapansanan upang ang isang tao ay maging produktibo.

Sa katunayan, marami sa kanila ay malaki ang naiaambag sa pag-unlad ng pamilya at lipunan.

Naniniwala ang administrasyong Aquino na ang mga taong mayroon kapansanan, at ibang miyembro ng marginalized sector, ay kaakibat ng pamahalaan sa pag-unlad ng bayan.

Kung kaya’t patuloy ang tulong na ibinibigay ng pamahalaan para sa kanila.

Isang grupo ng mga mayroon kapansanan sa isang bayan sa Ilocos Norte ang nabiyayaan kamakailan ng pamahalaan sa pamamagitan ng tulong pangkabuhayan.

Tumanggap ang Badoc Association of Special Persons (BASP) sa bayan ng Badoc ng P155,000 na tulong pinansiyal mula sa Department of Labor and Employment (DOLE) para sa kanilang Goat Raising Project.

Iniabot ni Engracio Bailon ng DOLE Ilocos Norte Field Office ang halaga kay Mayor Arlene Torralba at Marlyn Valencia, pinuno ng BASP.

Ang lokal na pamahalaan ang co-partner ng grupo sa nasabing proyekto.

Abot-abot naman ang pasasalamat ni Mayor Torralba at Valencia sa malaking tulong ng DOLE.

Sabi ni Valencia, malaking tulong ang ibinigay ng DOLE sa kanilang 40 na miyembro upang mapaunlad ang kanilang kabuhayan at makatulong sa kanilang mga pamilya. (Carlo P. Canares)