SONNY ANGARA : ILIGTAS ANG MGA BATANG KALYENG LULONG SA DROGA

Nanawagan si Team Pnoy senatorial candidate Rep. Edgardo “Sonny” Angara sa local government units at narcotic agencies ng agarang aksiyon sa dumaraming bilang ng mga batang kalye na gumagamit ng illegal na droga.

Sinabi ni Angara na lubhang nakakabahala ang bilang ng mga kabataang nagkalat na lulong sa solvent at rugby.

Sinabi pa niya na karamihan sa mga ito ay nais lamang makalimutan ang mapait nilang karanasan sa buhay, sakit na nararamdaman,  at gutom sa araw-araw kaya gumagamit ng bawal na gamot. Sila rin ang isa sa karaniwang itinuturo ng kapulisan sa pagtaas ng bilang ng krimen sa lansangan.

Sa isang pag-aaral ng World Health Organization, sinasabing pangkaraniwan na sa Pilipinas ang problema ng paggamit ng volatile solvent sa mga batang kalye.

Lumabas naman sa 2010 study na ginawa ng isang grupo ng scholar sa isang unibersidad sa Estados Unidos na mas malaki ang posibilidad ng mga batang kalye na may edad 13-17 na gumamit ng illegal na droga kaysa sa ibang bata na may ganito ding edad.

Isang pag-aaral din ang nalathala  sa isang pahayagan sa Pilipinas ang  nagsabing 50 porsiyento ng may 1.5 milyong batang kalye sa bansa ang sumisinghot ng rugby o gumagamit ng iba pang ipinagbabawal na gamot.

“Napapanahon na upang bigyan ng ibayong pansin ang resulta ng mga pag-aaral na ito dahil hindi lamang ito makakaapekto sa kanilang kalusugan kundi pati na rin sa kanilang kinabukasan,” ani Angara na siyang chairman ng Committee on Higher Education sa Mababang Kapulungan.

Kagyat na umapela ang mambabatas ng Aurora sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan na magkaisang iligtas ang mga batang kalye upang maiwasan na lalu pang malulong sa droga.

Paliwanag pa niya na karamihan sa mga batang ito ay iniwanan at pinabayaan na ng kanilang magulang kaya maaring na silang tulungan ng gobyerno.

“Napapanahon na sigurong aksiyunan itong resulta ng mga pag-aaral na ito. Nakakabahalang isipin na ang kinabukasan ng mga batang ito ay laging nanganganib kung hindi natin pagtutulungan lutasin ang problemang ito,” sabi pa ni Angara.

Hinimok din ni Angara ang Department of Health, Department of Social Welfare and Development, Philippine National Police at ng Philippine Drug Enforcement Agency na umpisahan na sa lalung madaling panahon ang pagtutulungang isugpo ang problema sa droga sa bilang ng mga kabataang Pilipino.