Isantabi ang pulitika at magdeklara ng state of calamity sa Taguig

Inirekomenda ngayon ni Mayor Lani Cayetano ang pagsasa-ilalim sa Taguig sa state of calamity sa harap ng pinsalang idinulot nang tuluy-tuloy na malakas na mga pag-ulan dulot ng hanging habagat na nagpalubog sa baha sa mahigit kalahati ng 28 barangay ng lungsod.

 Kaugnay nito, hinimok ni Mayor Lani ang mga konsehal na isantabi muna ang pulitika at agad na aprubahan ang kanyang rekomendasyon. Nakatakdang magdaos ng isang special session ang Sangguniang Panglungsod bukas, August 10, 2012 upang talakayin ang tungkol sa pagsasa-ilaim sa lungsod sa state of calamity.

Bilang chairperson ng Local Disaster Risk Reduction and Management (LDRRMC) ay isinusulong ni Mayor Lani ang pagdedeklara ng state of calamity.

Binigyang diin ng alkalde na hinihingi ng pagkakataon ang pagkakaisa upang mabigyan ng dagdag na kakayahan ang pamahalaang lungsod na agarang makatugon sa pangangailangan ng mga biktima ng pagbaha.

“Ako’y umaapela sa Sangguniang Panglungsod na madaliin ang pagsasa-ilalim sa state of calamity upang magamit natin ang Quick Response Fund. Sa panahong ito mas makabubuting kalimutan muna ang pagkakahati sa pulitika. Ngayon tayo kailangan ng ating nasasakupan at sana ay hindi natin sila biguin,” pahayag ni Mayor Lani.

Kapag naisa-ilalim ang Taguig sa state of calamity ay magagamit ng pamahalaang lungsod ang naturang pondo para sa pagpapaayos ng mga kalsada at iba pang imprastraktura at tulungan ang mga apekatadong residente na magsimulang

“Napatunayan ko na ang malasakit ng ating Sangguniian sa mga taga Taguig. Sa kinakaharap na krisis ng ating lungsod  ay alam kong maasahan natin sila,” dagdag pa ni Mayor Lani.

Dahilan sa malawakang pagbaha, maraming pamilya ang napilitang lumikas ng kanilang mga tahanan at ngayon ay nasa mga evacuation centers. Marami pa rin ang  hindi umalis ng kanilang tahanan sa kabila ng banta ng panganib dahil sa baha.

 Karamihan sa mga evacuees ay nanggaling sa 18 mga barangay ng lungsod na nalubog sa baha.

 Kabilang sa mga barangay sa Taguig na binaha ay ang Bagumbayan, Sta. Ana, New Lower Bicutan, Lower Bicutan, Ususan, Hagonoy, Tuktukan, Katuparan, Calzada Tipas, Palingon, Wawa, Western Bicutan, Napindan, Ligid Tipas, Ibayo Tipas, Fort Bonifacio, Bambang at San Miguel.

Kasama rin sa binaha ang mismong City Hall ng Taguig sa Brgy. Tuktukan na inabot ng halos 2 talampakang tubig baha.

Kaugnay nito ay hinikayat ni Mayor Lani ang lahat na magdasal upang maging matatag sa pagharap sa panibagong hamon dulot ng climate change. (END)